Iginiit ni Deputy Speaker Ronaldo Puno at miyembro ng National Unity Party, na dapat nakabatay sa malinaw at matibay na ebidensya ang anumang impeachment laban kay Sara Duterte.
Sa pahayag ni Puno na dapat tiyakin ng House Committee on Justice na sapat ang mga dokumento at patunay bago ipadala ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
Ayon sa kanya, kailangang may direktang ebidensyang pinansyal kung may naganap na maling paggamit ng confidential funds sa opisina ng Bise Presidente at sa Department of Education.
Dagdag pa niya, mahalagang may maipakitang patunay tulad ng mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council na ang pondo ay napunta sa personal na gamit o account ng Bise Presidente o ng kanyang mga kaanak o kinatawan. Kung walang ganitong ebidensya, sinabi ni Puno na boboto ang kanilang partido upang ibasura ang reklamo.
Binanggit din niya na dapat suriing mabuti ang testimonya ng isang testigong nakakulong sa hiwalay na kaso, dahil maaaring magkaroon ito ng motibong magsabi ng maling pahayag. Sa kabuuan, sinabi ng NUP na susuportahan lamang nila ang impeachment kung may malinaw, dokumentado, at mapapatunayang ebidensya ng paglabag.










