Bumuwelta si Senador Panfilo “Ping” Lacson kay Senate President Alan Peter Cayetano kaugnay ng usapin sa pagbabago ng Senate rules.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Lacson na walang mali sa pagdedebate sa mga panukalang pagbabago. Ang mali aniya ay ang pagbalewala sa sariling patakaran at parliamentary procedures ng Mataas na Kapulungan sa pamamagitan ng pagpigil sa mga debate para lamang mapabilis ang pag-adopt sa mosyong nai-refer na sa Committee on Rules.
Ito ang naging tugon ni Lacson matapos tanungin ni Cayetano sa kaniyang Facebook livestream kung masama bang pag-usapan ang pagbabago sa patakaran ng Senado. Nilinaw din dito ng Senate President na hindi pa pinagbobotohan ang mismong pag-amyenda sa Senate rules na magpapahintulot sa teleconferencing o online voting.
Paliwanag niya, ang naging botohan noong nakaraang sesyon ay patungkol lamang sa mosyon kung dapat bang talakayin sa plenaryo ang nasabing panukala.
Sa isang hiwalay na panayam, iginiit ni Lacson na bagamat maaaring amyendahan ang mga patakaran, dapat pa ring sundin ang tamang proseso. Kuwestiyon niya, tila nais ng mayorya na baguhin ang rules sa pamamagitan ng “fastbreak-style.”Ayon sa senador, taliwas ito sa sistema ng Senado dahil sa ilalim ng Section 24 ng Senate Rules, ang mga komite ang may mandato na magtalakay, magpasya, at magpasa ng ulat ukol sa mga usaping inilapit sa kanila.
“Pwedeng amyendahan pero sundan natin ang procedure. Gusto niya amyendahan pero fastbreak… Kaya nga may committee system. Ang Kongreso di maka-function without committees,” paliwanag pa ng senador.















