-- Advertisements --

Sumagot na si Senador Alan Peter Cayetano sa inihaing obstruction of justice laban sa kaniya kaugnay ng pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14, ayon sa Office of the Ombudsman.

Kinumpirma naman ng Ombudsman na natanggap na nito ang kontra-salaysay ni Cayetano nitong Miyerkules bilang tugon sa complaint-affidavit na inihain ng Tindig Pilipinas noong Hunyo 3.

Sa isang pahayag, sinabi ng anti-graft body na ang counter-affidavit ng senador ay tugon sa nagpapatuloy na preliminary investigation sa reklamong inihain ng mga miyembro ng civil society.

Maliban kay Cayetano, kabilang pa sa mga respondent sa reklamo sina Senador Robin Padilla at nasibak na si Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca.

Samantala, hindi pa nakapagsumite sina Padilla at Aplasca ng kani-kanilang counter-affidavits, ayon sa Ombudsman.

Sakaling mabigo ang dalawa na maghain ng kanilang kontra-salaysay sa itinakdang deadline, ang kaso ay ituturing na “deemed submitted for resolution” at hindi na tatanggap pa ang Ombudsman ng karagdagang mga dokumento o apela.