-- Advertisements --

Pinalagan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang banat ni dating Senate President Alan Peter Cayetano na nagbansag sa kaniya bilang “aso” ng Malacañang.

Sa isang pahayag sa X (dating Twitter), tahasang sinabi ni Lacson na hindi niya kailanman aaminin ang paratang na ito.

Puna pa niya, matagal na siyang tinatawag ni Cayetano na “Kuya Ping,” kaya’t kung aso ang turing sa kaniya nito, tila isang “self-admission” ito o pag-amin sa sarili ni Cayetano.

Ayon pa kay Lacson, naaawa siya sa sitwasyon ni Cayetano dahil kung ano-ano na lamang ang pinagsasabi nito.

Nagpahayag din siya ng pag-aalala na sana ay huwag tuluyang mag-meltdown o bumigay ang kapwa senador.

Ginawa ni Lacson ang pahayag matapos ang tirada ni Cayetano sa kaniyang Facebook Live broadcast kung saan tinawag niya itong “aso”.

Ipinaliwanag ni Cayetano na ang kahulugan ng “aso” ay isang indibidwal na sunod-sunuran lamang sa mga utos.

Maliban kay Lacson, hayagang tinawag din ni Cayetano sina Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III at Sen. Raffy Tulfo na mga “tuta” umano ng Malacañang habang si Sen. Erwin Tulfo naman ay “tuta” umano ni Lacson dahil may hawak ito sa kaniya.