-- Advertisements --

Inihayag ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na kanilang hihilingin at ihahanda ang memoranda para sa lahat ng miyembro ng impeachment court upang pormal na hilingin na payagang makaboto sina Senador Rodante Marcoleta at Senador Jinggoy Estrada sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Cayetano ang pahayag kasabay ng diskusyon ng ilang senator-judges hinggil sa usapin ng 16-votes threshold.

Sa ikalawang araw ng impeachment trial ngayong Martes, Hulyo 7, sinabi ni Cayetano na kung hindi papayagang makaboto sina Marcoleta at Estrada, maaari itong ituring bilang awtomatikong boto para maabswelto o ma-acquit ang respondent.

Samantala, iginiit naman ni Senator-judge Kiko Pangilinan na ang posibleng pakikibahagi nina Marcoleta at Estrada sa pagboto ay isang hiwalay na usapin na dapat talakayin sa ibang pagkakataon.

Matatandaang kasalukuyang nakapiit si Senador Jinggoy Estrada sa New Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas dahil sa hiwalay na kasong plunder na may kinalaman sa umano’y anomalya sa isang flood control project.

Habang si Senador Rodante Marcoleta naman ay pansamantalang nasa Philippine National Police (PNP) General Hospital matapos makaramdam ng pananakit ng dibdib. Ito ay kasunod ng kaniyang kusang pagsuko matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan para sa kasong plunder, na nag-ugat sa hindi umano pagdedeklara ng mahigit ₱75 milyong campaign donations sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) noong 2025 elections.