Iginiit ng depensa ni Vice President Sara Duterte na walang nakitang transaksyon sa mga dokumentong isinumite ng Bank of the Philippine Islands o BPI na may pirma mismo ng bise presidente.
Ito ang binigyang-diin ni defense counsel Michael Poa sa pagtatapos ng kaniyang cross-examination kay BPI witness Marwin Galvez sa ika-35 araw ng impeachment trial.
Sa pagtatanong ni Poa, ipinakita niya ang ilang financial documents mula sa BPI, kabilang ang mga rekord na may kaugnayan sa joint account nina Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa mga dokumentong ipinakita ng depensa, sinabi ni Poa na wala sa mga naturang transaksyon ang may lagda ni Vice President Duterte.
Gayunman, ang kawalan ng pirma ni Vice President Duterte sa mga dokumentong ipinakita sa cross-examination ay hindi awtomatikong nangangahulugang walang ibang paraan ng authorization o access sa account.
















