Suportado ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang dagdag pondo para sa MSEs upang mapalakas ang entrepreneurship at matulungan ang mas maraming Pilipino na makapagsimula o mapalago ang kanilang maliliit na negosyo.
Sa Budget Amendments Review Subcommittee, sinuportahan ni Yamsuan ang P870.5 milyong dagdag sa 2027 budget para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD at P50 milyong dagdag para sa Small Business Corporation (SBCorp) na nagpapatupad ng Pondo sa Pagbabago at Pag-Asenso (P3).
Ayon kay Yamsuan, makatutulong ang dagdag na pondo upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng access sa livelihood assistance at financing para sa kanilang negosyo.
Isinusulong din ni Yamsuan ang mga panukalang batas para gawing permanente ang SLP at P3 upang matiyak ang tuloy-tuloy na pondo at implementasyon ng mga programa.
Sa ilalim ng kanyang panukala para sa P3, maaaring makakuha ang qualified micro at small enterprises ng collateral-free loans na may interest na hindi lalampas sa 1% kada buwan para sa direct lending.
Giit ni Yamsuan, ang institutionalization ng SLP at P3 ay makatutulong upang mapanatili ang mga programa anuman ang pagbabago sa administrasyon at mga prayoridad ng pamahalaan.
“Our proposed measures will ensure the continuity of these programs and secure their regular funding through the national budget,” pahayag ni Yamsuan.










