-- Advertisements --

Tinamaan ng Russian drone sa isang pag-atake ang Northern Bridge, isang pangunahing tulay sa Kyiv, Ukraine, habang nasa lungsod si German Chancellor Friedrich Merz bilang pagpapakita ng suporta kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky.

Ayon kay Kyiv Mayor Vitaliy Klitschko, dalawang indibidwal ang nasugatan sa pag-atake. Batay sa mga video, makikitang sumabog ang malaking apoy at makapal na itim na usok mula sa tulay habang may mga sasakyang patuloy na dumadaan rito.

Ikalawang beses na umanong tinamaan ang Northern Bridge sa loob lamang ng dalawang araw, habang patuloy na pinalalakas ng Russia ang mga pag-atake nito laban sa kabisera ng Ukraine.

Nauna ring tinamaan nang limang beses sa loob ng wala pang 24 oras ang Southern Bridge ng Kyiv, na ginagamit ng mga sasakyan at ng subway system ng lungsod.

Naganap ang pag-atake habang bumibisita si Merz sa Kyiv kasama si German Minister for Economic Affairs and Energy Katarina Reiche. Nauna nang nagbabala ang Russia na maaaring hindi ligtas ang mga dayuhang bisita at opisyal sa kabisera dahil sa patuloy nitong pag-atake.

Sa pagbisita, nakatakdang tapusin nina Zelensky at Merz ang isang defense at industrial partnership sa pagitan ng Ukraine at Germany, kabilang ang kasunduan para sa produksyon ng mga drone at missile.

Inaasahan ding maglaan ang Germany ng €1 bilyon o humigit-kumulang $1.13 bilyon para sa military aid ng Ukraine at karagdagang €350 milyon o $390 milyon para sa pagkukumpuni ng mga nasirang energy infrastructure ng bansa.

Samantala, sinabi ni Zelensky na patuloy na lumalaki ang pangangailangan ng Ukraine para sa air defense habang pinaiigting ng Russia ang air campaign nito.

Kabilang sa mga ginagamit ng Moscow ang mga high-speed, jet-powered Shahed-type drones na maaaring makalusot sa tradisyonal na air defense systems ng Ukraine.