MANILA — Naniniwala si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz na nananatiling maliwanag ang kinabukasan ng weightlifting sa Pilipinas matapos ang record-breaking performance ng 20-anyos na si Ian delos Santos sa 2026 Asian Games sa Japan.
Nasungkit ni Delos Santos ang bronze medal sa men’s 70-kilogram division matapos magtala ng kabuuang 324 kilograms—141 kilograms sa snatch at 183 kilograms sa clean and jerk.
Bukod sa medalya, nakapagtala rin siya ng bagong junior Asian record at junior world record sa kanyang event.
Ikinatuwa ito ni Diaz, na nagsabing patunay ang performance ni Delos Santos na hindi hadlang ang edad o pangangatawan para magtagumpay sa weightlifting.
Binigyang-diin din niya na ipinapakita ng tagumpay ni Delos Santos na may potensiyal ang mga Pilipino sa weightlifting basta may interes at sapat na suporta sa atleta.
Samantala, umaasa si Diaz na mas marami pang Pilipinong weightlifters ang makalalahok sa mga susunod na Olympics.
Ayon sa kanya, lumalaki na ang bilang ng mga atleta sa bansa at nakatutulong ang pagkakaroon ng weightlifting sa Palarong Pambansa upang mas maagang matuklasan at mahasa ang mga batang may potensiyal.
Iminungkahi rin ni Diaz ang pagdaragdag ng weight categories at pagkakaroon ng elementary-level competition upang makapagsimula ang mga atleta sa murang edad at magkaroon ng mas mahabang panahon para maabot ang elite level.
Umaasa Olympic gold medalist na magkaroon ng tuloy-tuloy na programa mula elementarya hanggang sa antas na maaari nang makipagsabayan sa Olympics.
















