Naglabas na ng inisyal na resulta ng imbestigasyon ang Philippine Army ukol sa posibleng dahilan ng pagkasawi ng dalawang kadete habang nasa kasagsagan ng training.
Ayon sa hukbo, ‘heat stroke’ ang dahilan ng pagkasawi ng dalawang trainee.
Batay sa resulta ng medical certificate na inilabas ng mga doktor na sumuri sa mga trainee, nasawi ang mga ito dahil sa epekto ng matinding init ng panahon sa kanilang kalusugan.
Nagdulot ito ng health complications na tuluyang naging dahilan ng kanilang pagkamatay. Kabilang dito ang brain complications at pamamaga ng kanilang katawan.
Nanindigan naman ang PA na agad tinulungan ang dalawang recruit para mailigtas matapos silang bumagsak habang nasa formation. Kinalaunan, dinala din ang mga ito sa Camp O’Donnell Medical Treatment Facility habang sila ay unconscious at nasa kritikal na kondisyon.
Para masigurong makatanggap ang mga ito ng mas akmang medical treatment, dinala rin sila sa Tarlac Provincial Hospital ngunit tuluyan din silang binawian ng buhay.
Muli namang nagpahayag ng pakikiramay ang buong hukbo sa pamilya ng dalawang biktima na kinilalang sina Candidate Soldiers Johndyl Lemosniro at Junel Flores.
Nag-alay din ng panalangin ang hukbo para sa dalawang nasawi.
















