Natanggap na ng Philippine Olympic Committee (POC) ang suspension order ng International Volleyball Federation (FIVB) sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF).
Ayon kay POC President Abraham ‘Bambol’ Tolentino, posibleng magdedesisyon na rin ang komite na opisyal na suspendihin ang PNVF, kapag nagsagawa ito ng general assembly sa buwan ng Hunyo.
Katwiran ni Tolentino, kinikilala ng komite ang mga nabubuong national federation ngunit dapat ang mga ito ay hindi komukontra sa mga panuntunan o regulasyon na sinusunod ng mga international federation.
Tatalima aniya ang POC sa desisyon ng FIVB, ngunit mananatili rin ang pagsuporta at pagsusulong nito sa kapakanan ng mga atletang Pinoy.
Kung babalikan ang naunang pahayag ng FIVB Board of Administration, ang inilabas nitong desisyon ay salig sa sinusunod nitong disciplinary regulations, habang nagpapatuloy pa rin ang independent investigation sa mga paglabag ng Philippine sports organization.
Kabilang dito ang umano’y paglabag ng PNVF sa ilang contractual obligations kaugnay nang naganap na Beach Pro Tour event kamakailan, at ilang beses na paglabag sa FIVB Code of Ethics.
Nagkaroon din umano ng operation misalignment kasama ang mga organizer.
Para masiguro ang nagpapatuloy na operasyon, nagtalaga ang FIVB ng isang ad hoc committee na mangangasiwa sa mga aktibidad ng PNVF.
Ang suspension sa Philippine sports organization ay agad ipatutupad.













