-- Advertisements --

Mahigit 170 bagong pisang berdeng pawikan (green sea turtle) ang pinakawalan sa karagatan ng Baler, Aurora bilang bahagi ng mga pagsisikap ng pamahalaan na pangalagaan ang mga yamang-dagat, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Luzon.

Isinagawa ang pagpapakawala sa mga baybayin ng Sitios Diguisit at Dicasalarin sa Barangay Zabali, Baler, Aurora.

Ayon kay Marivic Santos, pinuno ng DENR Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Maria Aurora, natagpuan ang mga napisang pawikan sa magkakahiwalay na pangkat ng mga itlog sa loob ng Aurora Watershed Forest Reserve bago pinakawalan sa kanilang likas na tirahan sa karagatan.

Ipinaliwanag ni Santos na mahalaga ang papel ng mga berdeng pawikan sa pagpapanatili ng balanseng ecosystem. “Through the ecological functions of green sea turtles, they contribute to nutrient cycling, support marine biodiversity, and help sustain productive coastal habitats. Thus, protecting their nesting sites and ensuring the safe return of these hatchlings to the sea contributes not only to the conservation of the species, but also to the overall health of the marine ecosystem,” Ayon pa sa statement ni DENR Maria Aurora community head Marivic Santos.

Nagsagawa rin ang DENR ng kampanya sa pagpapalaganap ng kaalaman para sa mga residente, may-ari ng mga resort, at mangingisda sa Barangay Zabali. Layunin nitong itaguyod ang wastong paghawak sa mga pawikan, tamang pag-uulat ng kanilang mga nakita at pinangingitlugan, at pangangalaga sa kanilang mga pugad at tirahan.

Binigyang-diin din ni DENR Region 3 Executive Director Ralph Pablo ang kahalagahan ng pakikilahok ng mga lokal na komunidad at iba pang stakeholder upang matiyak ang patuloy na proteksiyon sa mga pawikan at sa kanilang mga pinangingitlugan.