-- Advertisements --

Kinumpirma ng 6-foot-6 opposite spiker na si Steven Rotter na hindi siya kabilang sa final roster ng Alas Pilipinas Men’s Volleyball Team para sa kanilang makasaysayang paglahok sa FIVB Men’s Volleyball World Championship dahil sa technical issue kaugnay ng kanyang volleyball federation.

Ayon kay Rotter, kinakailangan pa niyang opisyal na ilipat ang kanyang affiliation mula USA Volleyball patungong Philippine National Volleyball Federation (PNVF), kahit na ilang beses na siyang naglaro para sa Pilipinas mula pa noong 2023.

Bagama’t nakalaro na si Rotter sa AVC, SEA Games, SEA V-League, at Asian Games, mas pinaigting umano ng FIVB ang mga patakaran sa federation transfers, dahilan upang maantala ang kanyang eligibility.

Si Rotter, na naglaro para sa Cignal HD Spikers at nanalo ng Spikers’ Turf championship at Finals MVP, ay umaasang maasikaso agad ang paglilipat ng federation upang makalaro siya sa Southeast Asian Games sa Thailand ngayong Disyembre.