Nanawagan ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa bagong itinalagang Environment Secretary Juan Miguel Cuna na agad suriin ang mga aprubadong reclamation project, lalo na ang mga nakapalibot sa Manila Bay.
Ito’y matapos batikusin ng samahan ng mga mangingisdaang mga nakaraang opisyal dahil umano sa kakulangan ng aksyon upang maprotektahan ang Manila Bay, mga karatig-komunidad, at yamang-dagat.
Ani PAMALAKAYA National Chairperson Fernando Hicap, hindi na dapat mahirapan ang bagong DENR chief na bigyang-katwiran ang pagsusuri sa mga reclamation project.
Binanggit niya na maraming pag-aaral, kabilang ang sariling pag-aaral ng DENR, ang nagpapakita ng negatibong epekto ng reclamation sa kalikasan, pangingisda, at pamumuhay ng mga residente sa baybayin.
Dagdag pa ni Hicap, naranasan ng ilang residente ang pagkawala ng kabuhayan at mas mataas na panganib sa mga sakuna dahil sa pinsalang dulot ng reclamation activities.
Ilan sa mga proyekto na nakatanggap ng Environmental Compliance Certificate ay ang 400-hektaryang City of Pearl project sa Maynila, 650-hektaryang Davao City reclamation project, at 420-hektaryang reclamation project sa Bacoor, Cavite.
Nanawagan ang PAMALAKAYA sa DENR na tiyaking unahin ang proteksyon ng kalikasan at kapakanan ng mga naapektuhang komunidad sa muling pagsusuri ng mga naturang reclamation projects.















