Umaaray na ang grupo ng mga mangingisda sa pagbagsak ng presyo ng isdang tawilis mula sa Taal Lake sa gitna ng takot ng publiko na bumili bunsod ng mga ginagawang retrieval operations sa lawa.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), nakatanggap sila ng mga ulat na bumulusok ang presyo ng tawilis sa all-time low na P100 kada kilo sa ilang mga bayan sa probinsiya ng Cavite.
Inihayag ni Pamalakaya national chair Fernando Hicap na kapag ganito kababa ang presyo ng tawilis sa mga merkado, paniguradong bagsak-presyo din ang farm-gate nito para sa mga mangingisda sa Taal na nagreresulta sa pagkawala ng kanilang kita.
Paliwanag pa niya na nananatiling apektado ang mga presyo ng tawilis dahil sa mga ulat na umano’y itinapong mga bangkay ng mga nawawalang sabungero sa lawa sa kabila pa ng nauna ng paglilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas kainin ang mga isdang mula sa Taal Lake.
Kaugnay nito, umapela na si Hicap sa Department of Agriculture at BFAR na magbigay ng tulong sa mga apektadong mangingisda sa pamamagitan ng direktang pagbili sa kanilang produkto at hinimok din ang publiko na patuloy na suportahan ang mga mangingisda sa Taal.