Mariing tinutulan ng grupong Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) ang plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na payagan ang carpooling sa EDSA Carousel bus lane.
Sa halip na haluan ng mga pribadong sasakyan ang eksklusibong linya, iminungkahi ni LCSP President Atty. Ariel Inton na gumamit na lamang ng mga double-decker buses upang mas maraming pasahero ang maihatid nang sabay-sabay.
Ayon kay Inton, suportado nila ang posisyon ng Department of Transportation (DOTr) na dapat manatiling exclusive ang busway para sa high-volume public transport upang hindi ma-compromise ang bilis ng biyahe ng mga komyuter.
Nagbabala rin ang abogado na kung papayagan ang mga pribadong sasakyan sa ilalim ng carpooling scheme, malaki ang posibilidad na maabuso ito at magamit sa operasyon ng colorum.
Gayunpaman, nilinaw ng grupo na hindi sila tutol sa konsepto ng carpooling sa pangkalahatan, ngunit iginiit na dapat itong ipatupad sa labas ng bus lane at kailangan munang maglabas ng MMDA ng malinaw na guidelines bago ito isagawa.
















