Aabot sa 63M commuters na gumagamit ng EDSA Busway kada taon ang posibleng maapektuhan kapag walang pondo ang proyekto sa 2027.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, kailangan ng Department of Transportation ng Php 1.756 bilyong pondo para sa pagpapatuloy at modernisasyon ng EDSA Busway Project.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance, sinabi ni Lopez na mahigit 60M pasahero ang gumamit ng EDSA Busway noong 2025, at tinatayang aabot sa 63M kada taon ang umaasa rito.
Kapag walang pondo, maaaring maantala ang mga proyekto para sa pagpapahusay ng mga busway station, kabilang ang mga elevator para sa senior citizens at persons with disabilities, gayundin ang paglilinis at seguridad sa mga istasyon.
Kasabay nito, isinasagawa ng ahensya ang rehabilitation ng mga istasyon sa Bagong Barrio, Balintawak at Guadalupe, habang magtatayo rin ng bagong stations sa Cubao, Magallanes at PITX.
Una nang sinabi ng DOTr na zero allocation ang inilaan sa naturang Busway Project para sa 2027 dahil sa masikip na fiscal space ng pamahalaan.
Bukod sa busway, zero allocation din ang Service Contracting Program at Fuel Subsidy Program na kapwa may tig-Php 5B hinihinging pondo ng kagawaran
Tinatayang Php 300.96B naman ang proposed budget ng DOTr para sa 2027.














