-- Advertisements --

Nakipagpulong ang Department of Transportation (DOTr) at iba pang miyembro ng United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee sa Executive Secretary nitong Huwebes upang talakayin ang mga hakbang ng pamahalaan para matulungan ang sektor ng transportasyon na apektado ng tumataas na presyo ng gasolina at operating costs.

Kabilang sa mga tinalakay ang panukalang fare adjustment para sa mga public utility vehicle (PUV).

Ayon sa DOTr, umaasa silang magkakaroon ng positibong desisyon kaugnay sa fare adjustment sa mga susunod na araw.

Bukod dito, napagkasunduan ding magsagawa ng panibagong round ng targeted assistance sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program para sa mga kwalipikadong transport operators at drivers.

Samantala, patuloy namang isinasagawa ng DOTr ang iba pang UPLIFT initiatives, kabilang ang toll exemption para sa provincial buses, terminal fee waiver sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), at monthly membership waiver sa SM public transport terminals.

Kasama rin sa mga benepisyo ang 50% fare discount sa MRT-3 at LRT-2, P1 fare sa RoRo terminal fees, at Libreng Sakay services mula sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan.