-- Advertisements --

Bumagsak ng 99.4 porsyento ang naipamahaging tulong para sa medikal at pagpapalibing ng Office of the Vice President (OVP) noong 2025 kung saan naitala lamang ito sa P5.16 milyon mula sa dating P820.77 milyon noong 2024, ayon sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit (COA).

Ang marahas na pagbaba ng pondo ay dulot ng malaking bawas sa kabuuang badyet ng OVP mula sa pambansang pamahalaan, na pumalo lamang sa P766 milyon kumpara sa dating P1.9 bilyon na pondo ng ahensya.

Sa kabila ng pagliit ng direktang pondo, nadoble naman sa P59.9 milyon ang nakuhang tulong ng OVP mula sa donasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa kaparehong programa.

Bukod sa ayuda, pinalagan din ng COA ang humigit-kumulang P12.5 milyong halaga ng mga pautang at livelihood grant sa ilalim ng “Mag Negosyo ‘Ta Day” program na hindi pa ganap na naisusumite ang liquidation report.

Nakatanggap din ng puna mula sa mga pampublikong auditor ang ahensya dahil sa mga kulang na dokumento, hindi kumpletong pirma sa mga master list, at huling pag-uulat sa pamamahagi ng mga relief goods at pagbibigay ng tulong sa mga civil society organization.

Paliwanag naman ng pamunuan ng OVP, agad na silang naglabas ng mga demand letter sa mga benepisyaryo, nagdagdag ng tauhan, at nag-revisar ng mga panuntunan upang matugunan ang lahat ng nakitang kakulangan ng COA.