Mariing kinondena ng Amerika ang panibagong agresibong aksiyon ng China laban sa barko ng Pilipinas sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay US Ambassador to the Philippines MAryKay Carlson ang nasabing hakbang ng China ay malinaw na hindi pagkilala sa international law.
Sa kaniyang mensahe sa social media, kinilala ni U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay L. Carlson ang tapang at husay ng mga Pilipinong tauhan sa kabila ng mapanganib na insidente na kinasangkutan ng mga barko ng China sa karagatang malapit sa Pag-asa Island na kilala rin bilang Thitu Island.
Pagtiyak ni Carlson na suportado ng Amerika ang Pilipinas sa adbokasiya nito na maging malaya at bukas na Indo-Pacific, isang prinsipyong pinangangalagaan ang kalayaan sa paglalayag at respeto sa soberanya ng mga bansa sa rehiyon.
Pinuri ni Carlson ang matinding katapangan at kahusayan ng mga Pilipino sa gitna ng mapanganib na pananalakay ng China, kabilang ang pambabangga at paggamit ng water cannon laban sa mga barko ng Pilipinas.
Ang panibagong tensyon sa West Philippine Sea ay muling nagpapakita ng patuloy na panggigipit ng China sa mga mangingisdang Pilipino at sa mga puwersa ng gobyerno na nagsasagawa ng mga lehitimong operasyon sa loob ng eksklusibong economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Patuloy ang panawagan ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad na igalang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ang 2016 arbitral ruling na pumabor sa Pilipinas.