-- Advertisements --

Malaking boost para sa fishing industry ang pagtatapos ng tatlong buwang closed fishing season sa Visayan Sea.

Isa kasi sa pinakamahalagang pinagkukunan ng isda sa bansa ang katubigan ng Visayas.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ipinatupad ang ban mula Nobyembre 15, 2025 hanggang Pebrero 15, 2026 upang maprotektahan ang sardinas, tamban, at mackerel sa panahon ng kanilang pangingitlog.

Muling pinayagan ang mga mangingisda na pumalaot simula Pebrero 16, kasabay ng mas mahigpit na pagbabantay laban sa illegal at hindi awtorisadong pangingisda.

Itinuturing ng BFAR na matagumpay ang closed season dahil nakatulong ito sa pagpaparami ng marine resources na mahalaga sa lokal na suplay ng pagkain at industriya ng fish processing.

Gayunpaman, nananatiling hamon ang pagpigil sa mga lumalabag na maaaring magdulot ng pagkaubos ng yamang dagat.

Libo-libong mangingisda sa Western Visayas ang nakabalik na sa dagat, umaasang makakabawi sa kita matapos ang tatlong buwang paghihintay.

Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan at komunidad upang mapanatiling produktibo at protektado ang Visayan Sea para sa susunod na henerasyon.