Nakaamba ang targeted fuel subsidies at libreng sakay sa sandaling sumirit sa $80 per barrel ang presyo ng langis sa world market.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kung maglalaro sa pagitan ng $80 hanggang $90 kada bariles ang presyo ng Dubai crude at tatagal ito ng dalawang buwan, magpapatupad ang pamahalaan ng targeted fuel subsidies para sa mga apektadong sektor.
Kabilang sa mabibigyan ng ayuda ang transport sector, agrikultura at mga mangingisda.
Ipinaliwanag ng Pangulo na apektado rin ang agri sector dahil ang pataba ay mula sa produktong petrolyo.
Dagdag pa ng Pangulo agad din na gagamitin ng gobyerno ang nakalaang pondo tulad ng Pantawid Pasada Program at subsidiya para sa mga magsasaka at mangingisda.
Inihayag din ng Pangulo na pinag-aaralan din ang posibilidad ng pagpapagaan ng gastusin sa transportasyon, kabilang ang libreng sakay sa ilang pangunahing ruta at pagpigil sa pagtaas ng pasahe sa pampublikong transportasyon.
Sabi ng Pangulo, layon ng nasabing mga hakbang ay para hindi gaanong maramdaman ng mga manggagawa at karaniwang mamamayan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.
















