Nakabantay ng maigi ang Estados Unidos sa kalagayan ng Strait of Hormuz, isa sa mahalagang daanan na nag-uugnay sa oil-rich Persian Gulf sa open sea, habang tumitindi ang tensyon sa rehiyon kung saan pinaigting ng Iran ang mga banta laban sa mga barkong dumaraan dito.
Ayon kay White House Press Secretary Karoline Leavitt, mahigpit na binabantayan ng U.S. Department of Defense at Department of Energy ang sitwasyon sa naturang daanan gayundin ang regular na pagbibigay ng briefing kay U.S. President Donald Trump.
Sinabi ni Leavitt na maaaring magpadala ang Amerika ng U.S. Navy upang maging escort ng mga oil tanker na dadaan sa naturang waterway.
Gayunman, nilinaw niya na wala sa kasalukuyang plano ang pagpapadala ng U.S. ground troops sa Iran.
Dagdag pa ng White House, hindi pa rin tuluyang isinasara ni Trump ang anumang opsyong pagpapadala ng militar na naka depende umano sa magiging takbo ng sitwasyon.
Noong nakaraang Linggo, inulat na may mga oil tanker shipment ang nakarinig ng radio broadcast na umano’y mula sa Iranian navy na nagbabawal sa kanila na dumaan sa Strait.
Kinumpirma rin ng Iran’s Revolutionary Guards na hawak na nila ang buong kontrol sa Strait of Hormuz.
Iniulat din ng isang Iranian news agency na sampung oil tanker ang kanilang tinamaan matapos umano itong hindi sumunod sa babala
Pinabulaanan din ng White House ang mga ulat na plano umano ng administrasyon na armasan ang mga Kurdish forces upang magpasimula ng pag-aalsa laban sa pamahalaan ng Iran.
Ayon kay Leavitt, mali ang mga kumakalat na balita.
Halaga ng Strait of Hormuz sa mundo
Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa buong mundo.
Matatagpuan ito sa pagitan ng Oman at Iran at nagsisilbing daanan mula sa Persian Gulf patungong Gulf of Oman at Arabian Sea.
Sa pinakamakitid na bahagi nito, may lapad lamang itong humigit-kumulang 33 kilometro, habang ang mismong shipping lane ay nasa halos 3 kilometro lamang bawat direksyon.
Tinatayang halos 1/5 ng kabuuang konsumo ng langis sa mundo ang dumadaan sa Strait of Hormuz.
Ayon sa datos, mahigit 20 milyong barrels ng crude oil at iba pang fuel ang dumadaan dito araw-araw.
Kung magtatagal ang pagkaantala, maaari itong magdulot ng matinding epekto sa global oil trade. Bagama’t sarado ang futures market tuwing weekend, isang retail trading product ng IG Group Ltd. ang nagpresyo sa West Texas Intermediate ng humigit-kumulang 9% na mas mataas nitong Linggo —palatandaan ng pangamba sa merkado.
Patuloy namang tumaas ang presyo ng langis matapos ang mga pag-atake ng Iran sa mga barko at energy facilities, na nagdulot ng paghinto ng ilang produksyon ng langis sa mga bansa tulad ng Qatar at Iraq.
Pinangangambahan naman ng mga analyst na kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, maaari itong magkaroon ng epekto sa ekonomiya at pulitika ng Estados Unidos, lalo na habang papalapit ang congressional midterm elections sa Nobyembre.
















