Naglabas ng position paper ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na isinumite sa Senado kaugnay ng pagdinig sa mga panukalang Party-List Reform Bills.
Inirekomenda ng grupo ang pagbabawal sa mga government contractors bilang nominees, pagpapatupad ng anti-dynasty measures hanggang ika-apat na antas, at pagbabawal sa paggamit ng pangalan ng mga celebrities at mga programang tulong ng gobyerno gaya ng “ayuda” at “TUPAD.” Nanawagan din sila sa pagtanggal ng three-seat cap at pagpapalit nito ng mas makatarungang proportional seat allocation formula.
Binanggit ng NAMFREL na dapat tiyakin ng Senado ang constitutional soundness ng mga probisyon upang maiwasan ang agarang pagkuwestiyon sa Korte Suprema.
Iminungkahi rin nila ang pag-alis ng mga probisyon na maaaring magamit sa red-tagging ng mga party-list organizations nang walang due process.
Kasabay nito, hinimok nila ang pagpasa ng Anti-Political Dynasty Act at mas malawak na political finance reforms upang maiwasan ang paggamit ng party-list bilang extension ng kapangyarihan ng mga political families.
Dagdag pa, binigyang-diin ng NAMFREL ang pangangailangan na protektahan ang mga grassroots organizations na may limitadong resources at palakasin ang mga political parties laban sa turncoatism.
Ipinahayag ng NAMFREL ang kanilang buong suporta sa Senado at handa silang magbigay ng karagdagang teknikal na tulong habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa mga panukalang batas.














