-- Advertisements --

Mas maagang bubuksan sa Setyembre 14 ang mga polling precinct para sa mga botanteng kabilang sa vulnerable sector bilang bahagi ng mga huling paghahanda sa kauna-unahang regular na Bangsamoro Parliamentary Elections.

Sa isang eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Atty. Renault Macarambon, Provincial Election Supervisor ng Maguindanao del Norte, inihayag nitong alas-singko pa lamang ng umaga ay maaari nang makaboto ang mga nakatatanda, may kapansanan, at iba pang kabilang sa mga vulnerable group.

Magpapatuloy naman ang proseso ng pagboto para sa lahat ng kwalipikadong botante hanggang alas-siyete ng gabi sa buong lalawigan.

Kasabay nito, nanawagan si Atty. Macarambon sa Maguindanao Electric Cooperative (MAGELCO) na tiyaking magiging prayoridad ang pagpapanatili ng matatag na suplay ng kuryente at maiwasan ang anumang brownout sa mismong araw ng halalan.

Binigyang-diin ng opisyal na napakahalaga ng tuloy-tuloy at walang patid na kuryente upang hindi maantala ang operasyon ng mga voting machine, ang mismong pagboto ng mamamayan, at ang iba pang mga gawaing may kaugnayan sa election process.

Target ngayon ng Commission on Elections (Comelec) na maging ganap na maayos, ligtas, at organisado ang pagsasagawa ng makasaysayang botohan sa buong Maguindanao del Norte.