Tila nabuhay muli ang dugo ni Alvin Aragon matapos ang mga kontrobersyal na kinasasangkutan nito kamakailan kung saan muli siyang nag-bigay ng kanyang opinyon tungkol sa kontrobersyal na pahayag ni Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay laban sa TV host-actress na si Anne Curtis na nakatanggap ng batikos sa iba’t ibang sektor pati sa pamilya Curtis.
Sa kanyang Facebook post noong Marso 4, muling binanggit ni Alvin na ang mga lalaki ay dapat protektahan ang kanilang asawa, habang ang kababaihan naman daw ay dapat ding magbihis nang disente upang maiwasan ang “sin of lust.”
Dagdag pa ni Alvin na kahit hindi daw “Si Anne ang tinitignan mo [lalaki o babae] ng may pagnanasa, may mag-iinit sa loob mo. Lalo na kapag nakalabas pa ang cleavage mo at legs.”
“Si Jesus lang ang makakatulong sayo ma-overcome yan,” aniya pa, kasunod ng pagbibigay ng Bible verse at hashtag na “#FearGod.”
Pinaliwanag pa ni Alvin na ang pananampalataya ang makatutulong sa pag-iwas sa mga tukso.
Ang pahayag ni Alvin ay nagdagdag lamang sa lumalaking diskusyon matapos batikusin si Rep. Suntay dahil sa kanyang komento tungkol sa pagnanasang naramdaman niya nang makita si Anne sa isang mall.
Pinanindigan ng mambabatas na wala siyang masamang intensyon sa kanyang sinabi gayundin ang paghingi ng paumanhin sa mga nasaktan sa kanyang pahayag.
Kaugnay nito pormal nang nagsampa nitong Huwebes, Marso 5 ang Gabriela Women’s Party ng ethics complaint laban kay Suntay na pinangunahan ni Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
















