Naglabas ng pahayag ang legal counsel ni Anne Curtis-Smith, ang law firm na Gorriceta, Africa, Cauton, & Saavedra, upang tuligsain ang mga ”lewd” at ”objectifying” na pahayag na ginawa ni Quezon City 4th District Representative Jesus “Bong” Suntay sa isang congressional committee hearing.
Tinukoy ng mga abogado ang mga komento bilang hindi angkop at hindi katanggap-tanggap.
Sa kanilang pahayag na pinamagatang “WOMEN DESERVE RESPECT – EVERYWHERE,” binigyang-diin ng mga abogado ang reputasyon ni Anne bilang isang propesyonal at respetadong personalidad sa publiko.
Inilahad din ng legal team na walang babae, publiko man o pribado, ang dapat pinapahiya o binabastos sa pamamagitan ng sexual remarks, lalo na sa isang pormal na proceedings sa Kongreso.
Binanggit ang mga batas tulad ng Safe Spaces Act (RA 11313) at Magna Carta of Women (RA 9710) na naglalayong protektahan ang dignidad ng kababaihan laban sa sexist at degrading remarks.
Maalalang nagsimula ang kontrobersiya na pahayag ng kongresista noong Marso 3 sa House Committee on Justice hearing kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan ginamit ni Suntay si Anne sa isang sexual example.
Matapos ang insidente, binura ang pahayag ng mambabatas mula sa official record at humingi ng paumanhin si Suntay.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Rep. Suntay: “Nag-a-apologize ako sa mga taong nasaktan. That analogy should not have been made… May backlash ‘yan. I deserve the backlash.”
Humingi rin ng paumanhin ang asawa niya na si Sheila Guevara, na nag-desisyon ding idistansya ang kanilang pamilya mula sa insidente, at sinabi na ang lahat ng babae ay dapat tratuhin nang may dignidad at respeto.
Kasunod nito, nahaharap ngayon si Rep. Suntay sa mga reklamo dahil sa posibleng paglabag sa Safe Spaces Act, Magna Carta of Women, at code of conduct para sa mga public officials, kabilang ang mga complainant na sina Jean Enriquez (WMW-Pilipinas) at Joanna Coronacion (SENTRO-Women).















