Nagsalita na ang aktres at TV host na si Anne Curtis sa kontrobersya kaugnay sa pagbanggit ni Quezon City 4th District Representative Bong Suntay sa kanyang pangalan sa isang umano’y sekswal at malaswang “analogy” sa pagdinig sa House of Representatives.
Sa kanyang Instagram statement, sinabi ni Curtis na nanahimik muna siya dahil inuna niyang makasama ang kanyang pamilya na na-stranded sa Middle East. Ngunit ngayong nakabalik na siya sa Pilipinas, sinabi niyang kailangan na niyang magsalita, hindi para sa paghihiganti o drama, kundi dahil mali umano ang manatiling tahimik para sa kanya at sa lahat ng kababaihang nakararanas ng ganitong sitwasyon.
Tinuligsa rin ng aktres ang pahayag ng kongresista at tinawag itong “bulgar at sexualized,” lalo na’t ginamit umano ang kanyang pangalan nang walang pahintulot at walang paggalang. Aminado siyang nasaktan, nabahala at nagalit sa paraan ng pagkakabanggit sa kanya.
Ayon sa aktres, hindi kakaiba ang ganitong karanasan dahil maraming kababaihan ang nakararanas ng mga sekswal na komento araw-araw, ngunit mas nakababahala umano dahil nagmula ito sa isang opisyal ng gobyerno.
Hindi rin tinanggap ni Curtis ang paghingi ng paumanhin ni Suntay, bagamat kinilala niya ang paghingi ng tawad ng asawa nito.
Iginiit din niya na ang insidente ay sumasalamin sa mas malawak na problema ng sexism sa lipunan at nanawagan sa mga awtoridad, kabilang ang ethics committee, na imbestigahan ang nangyari.
Samantala, kinokonsulta na rin ng aktres ang kanyang mga abogado upang pag-aralan ang mga posibleng legal na hakbang.
Ipinahayag din ng kanyang legal counsel na ang naturang pahayag ay hindi angkop at hindi katanggap-tanggap, at hindi dapat gawing paksa ng sekswal na komentaryo ang sinumang babae, kilala man o pribadong mamamayan.















