Inatasan ng House of Representatives ang Committee on Ethics and Privileges na magsagawa ng imbestigasyon sa pahayag ni Quezon City Representative Jesus “Bong” Suntay na kinondena ng ilang mambabatas bilang hindi paggalang sa kababaihan.
Nag-ugat ang isyu sa pagdinig ng House Committee on Justice hinggil sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan gumamit si Suntay ng halimbawa tungkol sa aktres na Anne Curtis upang ipaliwanag na ang imahinasyon ay hindi dapat ituring na aktwal na krimen.
Mariing tinutulan ng ilang mambabatas ang pahayag ni Suntay at agad na ipinabura ito sa opisyal na rekord.
Sa privilege speech ni Representative Ann Matibag, iginiit niyang hindi dapat gawing biro o pantasya ang kababaihan sa loob ng Kongreso.
Pinangunahan naman ni San Juan Representative Ysabel Maria Zamora ang mosyon upang ipatawag si Suntay sa ethics panel at magsagawa ng pagdinig.
Naaprubahan ito nang walang pagtutol.
Humingi naman ng paumanhin si Suntay sa mga nasaktan sa kanyang pahayag at sinabing maaaring hindi naging angkop ang kanyang halimbawa, ngunit igagalang niya ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Kamara.
















