-- Advertisements --

Nagkaroon ng nakakatawang “clumsy moment” ang aktres at host na si Anne Curtis matapos niyang makaharap sa isang interview ang mga Hollywood stars na sina Anne Hathaway at Meryl Streep kaugnay ng inaabangang pelikulang “The Devil Wears Prada 2.”

Sa naturang panayam, aksidenteng natamaan ni Anne Curtis ang isang mikropono na agad na nahulog sa sahig. Sa halip na ikahiya, pabirong sinabi ng aktres na para itong “Andy Sachs moment,” na tumutukoy sa karakter ni Hathaway sa orihinal na pelikula na kilala rin sa pagiging clumsy.

Sa kanyang Instagram caption, pabirong sinabi pa ni Curtis, “Ako lang talaga e noh? Of all times! Haha,” at ibinahagi rin na labis ang kaba niya sa naturang interview bago napalitan ito ng mainit na pagtanggap mula sa mga Hollywood stars.

Ayon pa sa kanya, isang “dream interview” ang nangyari at labis niyang ikinatuwa ang pagkakataong makausap sina Hathaway at Streep.

Sa panayam, tinalakay rin ang impluwensya ng unang pelikula, personal na fashion icons ng mga aktres, at ang tanong kung ano ang magiging buhay ni Miranda Priestly kung may social media ito. Nagbigay rin si Anne ng mensahe para sa karakter na si Andy Sachs.

Kasama rin sa pagbabalik sa sequel sina Stanley Tucci at Emily Blunt, habang magpapakita rin si Simone Ashley sa pelikula.

Nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ang “The Devil Wears Prada 2” sa Abril 29, 2026.

Ayon sa ulat, bahagi rin ng pelikula ang ilang eksena na kinunan sa Milan, Italy.