Usap-usapan ngayon sa social media ang TV host na si Mariel Padilla matapos mapansin ng ilang netizens na tila hindi na niya pinalow sa Instagram ang mga aktres na sina Angel Locsin at Anne Curtis.
Ayon sa mga netizen, nawala umano sa listahan ng mga sinusubaybayan ni Mariel ang dalawa matapos maging viral ang mensahe ni Angel para sa mister nitong si Senator Robin Padilla.
Kung magtutungo sa social media ni Mariel hindi na makikita sina Angel at Anne sa following list ng Instagram account ng TV host.
Habang sa Instagram accounts nina Angel at Anne, naka-follow pa rin ang dalawa kay Mariel hanggang nitong alas-11:49 ng gabi, Hulyo 17.
Sa usapin naman kung bakit nadamay si Anne ay hinala ng mga netizen dahil ito sa pagpapakita ng suporta ng ilang celebrities kay Angel kung saan nagkomento si Anne Curtis sa post ng aktres may caption na ”Welcome back Mars, ay Darna pala.”
Matatandaang naging laman ng balita si Angel matapos maglabas ng mahabang pahayag tungkol sa kaniyang pagkadismaya sa ilang paninindigan ni Robin Padilla, kabilang ang mga isyu sa red-tagging, suporta kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy, at mga pahayag hinggil sa China at West Philippine Sea.
Samantala, tila tumugon naman ang kapatid ng senador na si Rommel Padilla matapos magbahagi ng social media post ng isang netizen na bumabatikos kay Angel.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag sina Mariel Padilla, Angel Locsin, at Anne Curtis hinggil sa isyu ng umano’y pag-unfollow sa Instagram.
















