Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen ang ginawang pag-share ng aktor na si Rommel Padilla sa isang post na bumabatikos sa aktres na si Angel Locsin matapos nitong punahin ang kaniyang kapatid na si Senator Robin Padilla.
Matatandaang muling naging aktibo sa social media si Angel matapos nitong magbigay ng reaksiyon kaugnay ng pahayag ni Robin na umaming isang “komunista” habang isinasagawa ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte noong Martes, Hulyo 14.
Sa kaniyang pahayag, kinuwestiyon ni Angel ang senador kung nasaan ito noong mga panahong nakararanas umano siya ng red-tagging, lalo na’t batid umano nitong hindi totoo ang mga alegasyon laban sa kaniya.
“Ang tanong ko lang, nasaan ka nung panahong nirered-tag ako kahit alam mong hindi totoo? Actually, kasama mo pa nga at kachikahan yung mga nangre-red-tag,” ani Angel.
Dagdag pa ng aktres, sinabi niyang hindi na umano niya nakikilala ang dating Robin Padilla na kaniyang kilala, kaya hinimok niya itong “gumising” at muling pag-isipan ang mga paninindigan nito.
“Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat,” pahayag ni Angel.
Samantala, isang netizen ang naglabas ng pag-puna kay Angel at sinabing hindi umano ito naging kasing aktibo sa iba pang isyu gaya ng baha at usapin sa flood control.
“Nag-ingay si Angel Locsin sa issue ni Robin pero tahimik siya sa baha, nakawan at flood control issue…” bahagi ng post ng netizen.
Ang naturang post ay ibinahagi naman ni Rommel Padilla, kapatid ni Sen. Robin Padilla at ama ng aktor na si Daniel Padilla, na nilagyan niya ng simpleng caption na “#ReaLTaLK.”
Dahil dito, naging usap-usapan online ang naging re-post ni Rommel, na nagbukas muli ng diskusyon sa pagitan ng mga tagasuporta nina Angel Locsin at Robin Padilla.
















