-- Advertisements --

Nilinaw ni Senator Robin Padilla nitong Huwebes ang kanyang kontrobersyal na pahayag na isa siyang “komunista,” kasunod nang naging reaksiyon ng publiko matapos ang pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Padilla na ang pagiging komunista niya ay hindi konektado sa armadong komunismo.

Ayon sa senador, hindi na siya naniniwala sa ganitong uri ng komunismo dahil, aniya, marami na itong naging biktima sa loob ng mahigit limang dekada.

Sa halip, sinabi niyang ang tinutukoy niya ay ang tinatawag na Christian communism at ang Mu’akhat system sa Islam—mga sinaunang sistema ng pagbabahaginan at pagtutulungan ng mga unang Kristiyano at Muslim.

“Ang sinasabi ko na komunismo ay hindi ang komunismo na dati kong pinaniwalaan. Ang komunismo na aking sinabi ay ang lolo ng komunismo ni Karl Marx. ‘Yan po ay ang mga unang Kristiyano at unang mga Muslim na nagsagawa nito sa Madinah,” ani Padilla.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos mag-react ang aktres na si Angel Locsin kung bakit hindi aniya ito nagsalita noong siya ay na red-tagging bilang komunista kahit, aniya, alam ni Padilla na hindi iyon totoo.

Inalala rin ng aktres ang mga naging kuwento umano ni Padilla sa kanya noon tungkol sa panahong sumama ito sa mga armadong kilusan.

“Nung mga panahong magkasama tayo, madalas mong ikuwento ‘yung panahon na namundok ka at nag-armas para ipaglaban ang bayan. Sabi mo pa nga, dinadalaw ka ng ex mo sa bundok,” post ni Angel.