Naglabas ng matinding pahayag ang aktres na si Angel Locsin laban kay Senator Robin Padilla matapos nitong tawagin ang sarili na isang “komunista” sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang mahabang post sa Facebook, binalikan ni Angel ang mga panahong malapit pa sila sa isa’t isa at sinabi niyang madalas umanong ikuwento ni Padilla ang kanyang karanasan sa pakikibaka at pagsali sa armadong kilusan.
“Nung mga panahong magkasama tayo, madalas mong ikwento yung panahon na namundok ka at nag-armas para ipaglaban ang bayan,” ani Angel sa isang pahayag sa social media.
Ayon kay Angel, naalala niya ang “dating Robin Padilla” na kanyang nakilala dahil sa naging pahayag ng senador.
“At least honest ka ngayon, Kuya,” pahayag ng aktres.
Gayunpaman, kinuwestiyon ni Locsin kung bakit nanahimik umano si Padilla nang siya ay paulit-ulit na i-red-tag, kahit batid umano ng senador na hindi totoo ang mga paratang laban sa kanya.
Sinabi rin ng aktres na hindi niya nauunawaan ang umano’y ginagawang suporta ni ng senador kay Pastor Apollo Quiboloy, na kasalukuyang nahaharap sa mga kasong Qualified Human Trafficking, Child Abuse, at ib pa.
“Bakit parang mas ipinaglalaban mo pa si Quiboloy? Naniniwala ka ba talaga na siya ang ‘appointed son of God?’” tanong ni Angel.
Pinuna rin ng aktres ang posisyon ni Padilla kaugnay sa China, na aniya’y taliwas sa dating imahe ng senador bilang isang makabayan.
Ayon sa aktres, minsan niyang hinangaan si Padilla dahil sa kanyang pagiging makabayan, ngunit nadismaya siya sa ilang pahayag nito tungkol sa China.
“Ito ang hindi Robin Padilla na nakilala at hinangaan ko,” ani Locsin.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinimok ni Locsin ang senador na muling pag-isipan ang kanyang mga paninindigan.
“Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat,” pahayag ng aktres.
Matagal nang itinatanggi ni Angel ang mga paratang na may kaugnayan siya sa mga grupong komunista matapos siyang ma-red tag dahil sa kanyang humanitarian work at mga adbokasiya.















