-- Advertisements --

Naglabas ng show cause order ang Korte Suprema laban kina Quezon City 4th District Representative Bong Suntay at Atty. Ferdinand Topacio kaugnay ng umano’y malaswang pahayag ng dalawa na may kaugnayan kina Anne Curtis-Smith at kapatid nitong si Jasmine Curtis-Smith.

Inatasan ng Kataas-taasang Hukuman sina Suntay at Topacio na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng disbarment.

Matatandaang naging kontrobersyal ang naging pahayag ni Suntay noong Marso 3, 2026, habang nagbibigay ng kaniyang manifestation sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Samantala, umani rin ng batikos ang mga pahayag ni Topacio sa kaniyang programa sa isang radyo noong Marso 5, 2026, matapos niyang talakayin ang isyu ng naging pahayag ni Suntay at banggitin ang magkapatid na sina Anne at Jasmine Curtis-Smith.

“Kayong mga artista, mga ganyan, ikaw, Jasmine, bakit ka nagpo-post ng bikini pictures mo sa social media, sa mga pahayagan—hindi ba para ikaw ay pagnasahan, para ikaw ay sumikat?” saad ni Topacio.

Ayon sa inilabas na resolusyon ng Korte Suprema, mayroong 10-araw sina Suntay at Topacio mula nang matanggap nila ang kautusan upang isumite ang kanilang komento.

Inatasan din ng Korte Suprema ang Office of the Bar Confidant na magsumite ng updated list ng mga nakabinbing administrative case laban kina Suntay at Topacio.

Inatasan naman ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na magbigay ng status report kaugnay nito.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag o tugon sina Suntay at Topacio tungkol sa kautusan ng Korte Suprema.