Nagpositibo sa toxic red tide ang ilang mga baybayin mula sa tatlong probinsya sa bansa.
Batay sa December-23 report ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na inilabas sa bisperas ng Pasko, positibo sa Paralytic Shellfish Poison (PSP) o toxic red tide ang mga baybayin ng Dumangquillas sa Zamboanga del Sur, Tantanang Bay sa Zamboanga Sibugay Province, at ang Matarinao Bay sa probinsiya ng Eastern Samar.
Ang red tide content sa mga ito ay lagpas sa regulatory limit.
Dahil dito, ipinagbabawal ang paghuli, pagkuha, o pagkain ng lahat ng uri ng shellfish, alamang, atbpang katulad na lamang-dagat sa mga nabanggit na lugar, dahil nakamamatay ang nilalaman ng mga ito na toxin.
Sa kabila nito, maaari pa ring kainin ang mga isda, pusit, hipon, at alimango, basta’t nahugasang maigi ang mga ito, natanggal ang mga internal organ, at naluto nang maayos.
















