Tiniyak ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheris and Aquatic Resources (BFAR na hindi sila magpapatinag sa kabila ng agresyon ng China sa bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay PCG Spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na patuloy na ipinapakita ng kanilang ahensya at ng BFAR ang matibay na paninindigan sa pagbibigay-proteksyon sa mga Pilipinong mangingisda sa Kalayaan Island Group, sa kabila ng agresibong panliligalig at mga banta mula sa mga barko ng China sa karagatan ng Pag-asa Island.
Pagtiyak ni Tarriela na sa kabila ng mga taktika ng pananakot at agresibong kilos, nananatiling matatag ang PCG at BFAR.
Aniya, hindi sila uurong o matitinag, dahil mahalaga ang kanilang presensya sa Kalayaan Island Group upang ipagtanggol ang karapatan at kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda.
Pahayag ito ni Tarriela matapos namboban ng water cannon ang isang barko ng China Coast Guard (CCG) at kalaunan ay sinadyang bumangga sa isang sasakyang-pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG) sa loob ng karagatan ng Pag-asa Island nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay Tarriela, nangyari ang insidente habang nakadaong nang maayos sa katubigan ng Pag-asa Island ang tatlong barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), kabilang ang BRP Datu Pagbuaya.
Nasa lugar ang mga ito upang bigyang-proteksyon ang mga Pilipinong mangingisda bilang bahagi ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM).
Sa kaniyang social media post, kinumpirma ni Tarriela na kaninang umaga hinarap ng mga barko ng BFAR ang mapanganib at provokatibong mga maniobra ng China Coast Guard at Chinese Maritime Militia.
Sa pahayag ni Tarriela, bandang alas-8:15 ng umaga, lumapit umano nang mapanganib ang mga barko ng China at pinaputukan ng water cannon ang mga barko ng BFAR isang malinaw na banta.
Lalong lumala ang tensyon dakong alas-9:15 ng umaga nang direktang pinaputukan ng water cannon ng CCG vessel na may bow number 21559 ang BRP Datu Pagbuaya, dahilan upang tamaan ito.
Makalipas ang tatlong minuto, sinadya umanong banggain ng parehong barko ng CCG ang likurang bahagi ng Datu Pagbuaya.
Nakunan sa video ang banggaan na nagdulot ng bahagyang pinsala sa estruktura ng barko, ngunit walang nasaktan sa mga tripulante.