-- Advertisements --

Posibleng magkaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa pandaigdigang presyo ng langis.

Sa isang panayam nitong Sabado, sinabi ni Oil Industry Management Bureau Director Atty. Rino Abad na maaaring umabot sa:

  • Diesel — P19.00 kada litro
  • Gasoline — P9.00 kada litro
  • Kerosene — P31.00 kada litro

Gayunman, nilinaw ng ahensya na maaari pang tumaas ang mga presyong ito dahil hindi pa kasama sa kalkulasyon ang iba pang gastos tulad ng insurance at premiums.

Posibleng gawin ito sa pamamagitan ng araw-araw na maliit na dagdag o dalawang beses sa isang linggo depende sa laki ng itataas.

Mas mataas ang mga numerong ito kumpara sa naunang pagtataya ng ilang oil industry sources na P15.33 kada litro para sa diesel at P7.09 kada litro naman para sa gasolina batay sa unang tatlong araw ng trading ngayong linggo.

Nauna nang sinabi ng ahensya na hihilingin nila sa mga oil company na hati-hatiin ang pagtaas ng presyo upang hindi mabigla ang mga motorista. Ito ay kasunod ng apela ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Abad na humiling ang mga oil company ng buong linggo upang pag-aralan ang kanilang magiging hakbang.

Posibleng pagbawas ng excise tax

Ipinahiwatig din ni Pangulong Marcos na makikipag-usap siya sa mga lider ng Kongreso upang mabigyan siya ng kapangyarihang bawasan ang excise tax sa petrolyo sakaling lumampas sa $80 per barrel ang presyo ng Dubai crude.

Babala sa mga gasolinahan

Naglabas naman ng babala ang DOE sa lahat ng oil companies at gasolinahan na mahigpit na sumunod sa umiiral na fuel pricing rules at anti-hoarding regulations.

Ayon sa ahensya, hindi pinapayagan ang mga gasolinahan na magpatupad ng hindi awtorisadong pagtaas ng presyo sa labas ng itinakdang iskedyul ng price adjustment.

Para sa Marso 6 hanggang Marso 9, sinabi ng DOE na hindi dapat lumampas sa sumusunod na price range ang pump prices:

  • Gasoline (RON 97/100): P53.70 – P76.50 kada litro
  • Gasoline (RON 95): P50.00 – P71.04 kada litro
  • Gasoline (RON 91): P49.00 – P64.70 kada litro
  • Diesel: P49.00 – P66.59 kada litro
  • Diesel Plus: P56.80 – P74.81 kada litro
  • Kerosene: P78.90 – P99.89 kada litro

Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na kinikilala ng pamahalaan ang mga hamon na kinahaharap ng industriya dahil sa pandaigdigang sitwasyon, ngunit hindi papayagan ang sinumang magsamantala.
Gasolinahan sa Tagum City Nahuling Nagtaas ng Presyo

Samantala, iniulat ng DOE na isang gasolinahan sa Tagum City ang nahuling nagtaas ng presyo ng diesel bago ang pa ang opisyal na price adjustment.

Ayon sa ahensya, ipinatupad ng nahuling gasolinahan ang presyo ng diesel sa P64.85 kada litro hanggang P73.20 kada litro, o dagdag na P8.35 kada litro.

Agad na inutusan ang gasolinahan na ibalik ang presyo sa tamang antas alinsunod sa iskedyul ng price adjustment.

Nagpatupad na rin ng mas mahigpit na monitoring ang DOE katuwang ang Philippine National Police upang matiyak na sumusunod sa tamang presyo at supply regulations ang mga gasolinahan sa buong bansa.