Pinayuhan ng Makabayan bloc si Vice President Sara Duterte na itigil ang umano’y “pagpapanggap na biktima” at ang paggamit ng “gasgas na script” ng mga alegasyon ng sabwatan upang iwasan ang mga tanong hinggil sa kanyang confidential funds.
Sa isang pahayag, sinabi nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Sarah Elago, at Kabataan Rep. Renee Louise Co na hindi totoo ang pahayag ni Duterte na ang imbestigasyon ng Kamara sa confidential funds ay isang “political weapon” o bahagi ng sabwatan laban sa kanya.
Ayon sa mga mambabatass, pampublikong pera ang confidential funds kaya may karapatan ang Kongreso at ang mamamayan na siyasatin kung paano ito ginastos, lalo na kung milyon-milyong piso ang hinihingi at mabilis na inilalabas.
Iginiit din ng mga mambabatas na hindi nawawala ang mga tanong sa pondo kahit tawagin itong “fishing expedition.”
Anila, may mga “red flag” sa laki ng pondo, bilis ng paglabas nito, layunin ng paggastos, at mga pananggalang laban sa maling paggamit.
Tinuligsa rin nila ang paulit-ulit na pagbanggit ni Duterte sa “unmodified opinion” ng Commission on Audit, na ayon sa kanila ay hindi nangangahulugang walang nangyaring mali, lalo na kung limitado ang ibinubunyag na detalye sa confidential spending.
Dagdag pa ng Makabayan bloc, tungkulin ng Kongreso na bantayan ang paggamit ng pampublikong pondo. Hinamon din nila ang Bise Presidente na humarap sa Committee on Justice at sagutin ang mga tanong ng publiko.
















