Tiniyak ng Malacañang na manatiling mapagmatyaf at nakahanda ang pamahalaan sa posibleng epekto ng patuloy na labanan sa Middle East, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat maging kampante ang pamahalaan dahil maaaring maapektuhan ang bansa, lalo na sa presyo ng langis at ekonomiya.
Sinabi rin ni Castro na tiniyak ng Department of Energy (DOE) na sapat ang suplay ng langis sa bansa kaya walang dahilan para sa panic buying.
Gayunman, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon upang maprotektahan ang publiko.
Sa direktiba ng Pangulo, dapat sundin ng mga kumpanya ng langis ang tamang iskedyul ng price adjustments at ipinagbabawal ang maagang o hindi awtorisadong pagtaas ng presyo.
Pinaigting din ng DOE, kasama ang DILG at Philippine National Police, ang inspeksyon sa mga gasolinahan upang maiwasan ang hoarding, profiteering at price manipulation ng suplay.
Nanawagan naman ang pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado dahil patuloy na gumagawa ng hakbang ang gobyerno upang matiyak ang sapat na suplay ng langis at patas na presyo sa buong bansa.















