-- Advertisements --

Nanindigan si dating Sen. Francis Tolentino na may malinaw na coordinates sa West Philippine Sea (WPS), salig sa itinatakda ng Republic Act No. 12064, o Philippine Maritime Zones Act.

Ito ay taliwas sa claims ni Sen. Rodante Marcoleta na hanggang sa ngayon ay wala pang ‘specific computation o coordinates’ ng West Philippine Sea.

Paliwanag ni Tolentino, ang coordinates na nakapaloob sa Philippine Maritime Zones Act, ay nai-deposito, tinanggap, at kinikilala na ng Secretary-General ng United Nations, at ang mga ito na ang magsisilbing official maritime reference ng Pilipinas.

Kung mayroon man aniyang magsasabi na walang malinaw na mapa at coordinates sa WPS, ito ay isang panlilinlang at isang uri ng disinformation.

Si Tolentino ang naging principal sponsor ng Republic Act No. 12064, ang batas na tumutukoy sa territorial sea, contiguous zone, exclusive economic zone (EEZ), and continental shelf ng Pilipinas.

Naging sentro ng mainit na debate nina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Kiko Pangilinan ang naturang isyu sa kasagsagan ng pagtalakay sa panukalang Senate Resolution No. 256, ang resolusyong kokundena sa mga kontrobersyal na pahayag ng Chinese Embassy in Manila kaugnay sa isyu sa pinagtatalunang karagatan.

Nanindigan si Sen. Pangilinan na may malinaw na hangganan o coordinates ang WPS, tulad ng nakasaad sa ilang batas tulad ng Philippine Maritime Zones Act, Administrative Order No. 29 (2012) na nagpapangalan sa pinagtatalunang karagatan bilang WPS, at ang 2016 Arbitral Tribunal na nagbabasura sa nine-dash-line claim ng China.