-- Advertisements --

Hinamon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang China na pangalanan ang mga politikong Pilipino na umano’y may ugnayan sa Beijing upang malaman ng publiko kung totoo ang mga alegasyon.

Ayon kay Teodoro, maaaring ituring na panghihimasok sa internal affairs ng Pilipinas ang mga social media post ng Chinese Embassy na tumutukoy sa mga politikong Pilipino.

Kinuwestiyon din niya ang kredibilidad ng mga alegasyon at sinabing dapat maging mapanuri ang publiko sa mga pahayag ng China.

Hindi rin sinang-ayunan ni Teodoro ang pagpuri ni Sen. Robinhood Padilla kay Chinese ambassador Jing Quan sa gitna ng panawagang ideklarang persona non grata ang diplomat.

Kinuwestiyon niya ang asal ni Jing at ang paghamon nitong isara ang Chinese Embassy sa Maynila.

Hinimok ni Teodoro ang Ambassador na linawin ang kaniyang pahayag, dahil maaari itong makaapekto sa ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at China.

Aniya, kung mahalaga sa Beijing ang pagpapanatili ng magandang relasyon sa Pilipinas, dapat isaalang-alang ang epekto ng mga pahayag at kilos ng kanilang kinatawan.