Iniimbestigahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang gamit at kakayahan ng isang hindi matukoy na kagamitan na nakita sa isang barko sa loob ng lagoon ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Unang namataan noong Oktubre 3 ang barkong kulay asul at puti na may hila-hilang mas maliit na speedboat at isang kulay kahel na bagay na kahugis ng bangka at walang bintana sa likurang bahagi nito.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, hindi pa matiyak kung Chinese research vessel ang barko batay sa bow number at IMO number nito. Inaalam din kung ang kulay kahel na kagamitan ay isang submersible o ginagamit sa mga operasyong nasa ilalim ng dagat.
Sinabi ni Tarriela na posibleng ginagamit ang kagamitan sa marine scientific research, kabilang ang pag-aaral sa seabed o paggamit ng underwater drones. Nakarinig din ang PCG ng mga palitan ng mensahe sa radyo ng mga puwersang Tsino at ng sasakyang panghimpapawid ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources habang nagsasagawa ng patrol.
Bukod sa naturang barko, namataan din sa lugar ang limang Chinese maritime militia vessel, tatlong barko ng China Coast Guard at isang warship ng People’s Liberation Army Navy.














