-- Advertisements --

Isinumite na para sa resolution ang reklamong plunder laban kay dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na inihain sa Department of Justice (DOJ).

Kinumpirma ito ni Justice spokesperson Atty. Polo Martinez sa isang pulong balitaan nitong Biyernes, Pebrero 6.

Matatandaan, naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng plunder complaint laban sa dating mambabatas sa DOJ noong Enero 5 ng kasalukuyang taon.

May kaugnayan ang naturang reklamo sa umano’y anomaliya sa flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro. Kasamang respondents ni Co ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hindi pinangalanan.

Binigyan ng DOJ si Co ng palugit hanggang Enero 15 para magsumite ng kaniyang counter-affidavit.

Tumutugma naman ito sa inihain ni Co sa Korte Suprema na petisyon na may parehong petsa, kung saan hiniling niya na matigil ang paglilitis sa mga kaso laban sa kaniya sa Sandiganbayan.

Naka-attach din sa petisyon ni Co ang apostille kung saan nakasaad na nasa Stockholm, Sweden siya noong Enero 15. Taliwas ito sa naunang napaulat na nasa Portugal ang dating mambabatas.