Iginiit ni House Committee on Tourism Vice Chairman Gil “Kabarangay Jr.” Acosta ang agarang pagpasa sa panukalang batas na naglalayong tuluyang alisin ang travel tax sa bansa.
Ang hakbang na ito ay bilang suporta sa House Bill No. 7443 na inihain ni Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Sa ginanap na media forum, binigyang-diin ni Acosta na ang travel tax ay isa sa mga pangunahing salik na nagpapamahal sa biyahe sa Pilipinas.
Ayon sa mambabatas, ang Pilipinas na lamang ang natitirang bansa sa ASEAN na patuloy na nagpapatupad ng “outgoing tax” sa mga manlalakbay, na nagiging pasanin sa halip na insentibo.
Ang kasalukuyang travel tax ay nakabase sa Presidential Decree No. 1183 na inisyu pa noong 1977.
Ayon kay Acosta, hindi na ito angkop sa 21st century dahil ang pagbiyahe ay hindi na lamang “luxury” o luho kundi pangangailangan na para sa trabaho at mobilidad ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng panukala ni Marcos, tatanggalin ang koleksyon na kasalukuyang nagkakahalaga ng: ₱2,700 para sa mga first-class passengers at ₱1,620 para sa mga economy class travelers.
Ipinunto rin ni Acosta na ang mataas na gastos sa travel tax, katuwang ang mahal na pamasahe sa eroplano, ay nagpapahina sa kompetisyon ng bansa.
Aniya, mas pinipili tuloy ng ilang Pilipino na magbakasyon sa Vietnam o Thailand dahil mas mura ang kabuuang gastos kumpara sa pagbisita sa mga lokal na destinasyon gaya ng Palawan o Siargao.
“Minsan sa papel lang maganda ang ating mga destinasyon pero kulang tayo sa infrastructure. Kung aalisin ang tax, mas magiging competitive tayo,” paliwanag ni Acosta.
Kasalukuyang nakakakolekta ang pamahalaan ng ₱4 bilyon hanggang ₱5 bilyon kada taon mula sa travel tax.
Ang pondong ito ay hinahati sa sumusunod:TIEZA (Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority); CHED (Commission on Higher Education), Sektor ng Kultura.
Iminumungkahi sa panukala na sa halip na iasa sa bulsa ng mga biyahero, ang pondo para sa mga ahensyang ito ay dapat nang direktang isama sa General Appropriations Act (GAA) o pambansang badyet.
Ayon kay Acosta, mas mainam ito upang hindi nakadepende ang budget ng turismo sa dami ng mga taong umaalis ng bansa, lalo na kung may krisis gaya ng pandemya.
Nanindigan ang kinatawan ng Palawan na ang “total abolition” ay magbibigay ng dignidad at ginhawa sa mga biyaherong Pilipino habang pinapasigla ang ekonomiya ng bansa.














