-- Advertisements --

Naghain sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos ng panukalang batas para higpitan ang mga patakaran sa ligtas na pag-iimbak ng baril at pananagutan ng mga gun owner.

Ito ang House Bill No. 11387 o “Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act” ay naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Kabilang sa panukala ang mas mahigpit na safe-storage requirements, mandatory gun-safety training, mas mabibigat na parusa sa pagbibigay ng access sa baril sa mga hindi awtorisadong tao, at bagong krimen na tinatawag na “criminally negligent unauthorized access.”

Sa ilalim ng panukala, kailangang nakalagay sa secure storage device at walang bala ang baril kapag wala ito sa agarang kontrol ng awtorisadong tao. Ang mga bala naman ay kailangang nakahiwalay at nakakandado.

Mas mahigpit na pag-iingat ang kailangan kung may bata o ibang hindi awtorisadong tao na nakatira, madalas pumupunta o maaaring makapasok sa lugar kung saan nakatago ang baril.

Kailangan din ng mga aplikante ng firearm license na sumailalim sa gun-safety at safe-storage training at makapasa sa pagsusulit. Kailangan naman ng refresher course bago ang renewal ng lisensya.

Maaaring bawiin o suspendihin ang firearm license kung sadyang pinayagan o dahil sa kapabayaan ay nabigyan ng access ang hindi awtorisadong tao sa rehistradong baril.

Inihain nina Speaker Dy at Majority Leader Marcos ang nasabing panukala, kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan, kabilang ang naiulat na shooting sa Banga National High School sa South Cotabato.

Layunin ng panukala na maiwasan ang hindi awtorisadong paggamit ng baril, maprotektahan ang mga bata at publiko, at papanagutin ang mga may-ari o custodians na mapatunayang nagpabaya sa ligtas na pag-iimbak ng kanilang mga baril.