-- Advertisements --

Pinakikilos ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga miyembro ng House of Representatives upang magsulong ng mga batas at patakaran na magpoprotekta sa mga Pilipino laban sa epekto ng oil price shocks na dulot ng nagpapatuloy na tensyon at sigalot sa Middle East.

Sinabi ni Dy na itutulak ng mga mambabatas at mga komite sa Kamara ang mga priority bill na layong mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mahahalagang sektor ng ekonomiya, partikular ang mga manggagawa, mananakay, magsasaka at maliliit na negosyo.

“Kasama po ng aking kapwa-mambabatas at ng iba’t ibang Komite, kami po ay walang humpay na magsusulong ng mga priority bills at mga hakbang na makakatulong upang mapagaan ang epekto ng mga pandaigdigang krisis sa ating mga kababayan,” ani Dy.

Binigyang-diin ni Speaker Dy,” We recognize that this is a challenge we must face head on, which is why the House of Representatives will work with the Executive to focus on measures that will help cushion the effects of rising oil prices on the various sectors of our economy—especially our workers, commuters, farmers, and small businesses.”

Ayon sa Speaker, ipinapakita ng lumalalang tensyon sa Middle East kung paanong ang mga pangyayari sa ibang bahagi ng mundo ay may direktang epekto sa Pilipinas, lalo na sa pagtaas ng presyo ng langis na nararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino.

Aniya, natural lamang na makaramdam ng pangamba ang mga mamamayan kapag tumataas ang presyo ng langis dahil agad itong nagdudulot ng pagtaas sa pamasahe, presyo ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Sa kabila ng mga hamong ito, tiniyak ni Dy sa publiko na patuloy na kikilos ang Kongreso upang pangalagaan ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Idinagdag ng Speaker na tututok ang Kamara sa mga patakarang magpapalakas sa ekonomiya at magpoprotekta sa kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino.

Nanawagan din ang lider ng Kamara ng pagkakaisa habang hinaharap ng bansa ang mga hamon dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Tiniyak din ni Dy na patuloy na kikilos ang pamahalaan at ang Kongreso upang pangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino at pangunahan ang bansa sa pagharap sa mga hamon na dulot ng mga pandaigdigang krisis.