Itinanggi ni dating Pangulo at kasalukuyang Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang mga alegasyon na siya’y sangkot sa planong palitan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, at iginiit ang kaniyang patuloy na suporta sa liderato ng kasalukuyang pinuno ng Kamara.
Sa pahayag ng dating presidente, sinabi niya na “categorically deny” niya ang mga alegasyon ng umano’y ouster plot laban kay Dy, matapos lumabas ang mga ulat na may nagaganap na pagkilos upang ito ay mapatalsik.
Dagdag pa niya, nananatili ang kaniyang tiwala sa pamumuno ni Dy at binigyang-diin ang kanilang “mutual support” na nagsimula pa noong panahon ng yumaong ama ng Speaker.
Ang isyu ay lumabas kasabay ng paghahanda ng Kamara sa nakatakdang impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte sa Abril 14, na nagbigay ng dagdag na tensyon sa loob ng Kongreso.
Matatandaang si Arroyo ay may kasaysayan na sa mga speakership fights: noong 2018, siya ay naging House Speaker matapos mapatalsik si Pantaleon Alvarez bago ang ikatlong State of the Nation Address ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, naging sentro siya ng mga haka-haka tuwing may usapin ng leadership shake-up sa Kamara.
Gayunpaman, sa kasalukuyan ay mariin niyang itinanggi ang anumang kaugnayan sa mga alegasyon ng coup laban kay Dy, at iginiit na ang kanyang papel ay suportahan ang kasalukuyang pamunuan ng Mababang Kapulungan.
















