Naghain sina House Majority Leader Sandro Marcos at Speaker Bojie Dy ng House Bill No. 10431 o Sariling Kuryente Act, na naglalayong alisin ang mga hindi kailangang permit at rekisito para sa mga pamilya at negosyong gagamit ng rooftop solar panels at battery storage para sa sariling konsumo.
Sa ilalim ng panukala, hindi na ituturing na generation company ang mga gumagamit ng sariling sistema ng kuryente at hindi na kakailanganin ng pahintulot o certificate of compliance mula sa Energy Regulatory Commission kung ang sistema ay hindi naglalabas ng kuryente sa distribution grid.
Ipagbabawal din sa mga distribution utility ang paghingi ng karagdagang permit, technical study, pagpapalit ng metro o dagdag-singil sa mga kwalipikadong non-exporting system. Sapat na ang abiso matapos ang pag-install.
Ang mga sistemang magpapadala ng sobrang kuryente sa grid ay mananatiling saklaw ng umiiral na interconnection rules. Dapat ding aksyunan ng mga utility ang kumpletong aplikasyon sa loob ng 10 working days, kung hindi ay ituturing itong aprubado.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Energy na alisin ang mga hadlang sa paggamit ng behind-the-meter systems at palawakin ang access sa financing, mga kwalipikadong installer at maaasahang kagamitan. Hindi rin maaaring pigilan ng homeowners’ associations at property managers ang paglalagay ng mga sistemang ito sa pribadong ari-arian ng may-ari, maliban kung may usapin sa kaligtasan o common property.
Kapag naisabatas, dapat ilabas ng DOE ang implementing rules sa loob ng 90 araw, at magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala.










