-- Advertisements --

Kasalukuyan pa ring nasa France si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste upang alagaan at samahan ang kanyang inang si Senator Loren Legarda na sumasailalim sa medical treatment.

Kinumpirma ito ni Legarda spokesperson na si Atty. Tony La Viña sa Pandesal Forum sa Quezon City, kahapon.

Ayon kay La Viña, si Leviste ang kasalukuyang tumutulong sa mga medical needs ng kanyang ina na nagpapagamot para sa kondisyon na may kaugnayan sa baga at autoimmune condition.

Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si La Viña tungkol sa kasalukuyang kalagayan ni Legarda, ngunit sinabi niyang matagal nang may ganitong kondisyon ang senador at maaari itong lumala kapag nakararanas ng stress at tensyon.

Matatandaang naka-medical leave ang senador mula pa noong August, na kalaunan ay pinalawig hanggang October 9. Ayon sa kanyang kampo, nais pa rin ng senador na makabalik sa bansa at sa kanyang mga tungkulin kapag pinahintulutan ng kanyang kondisyon.

Dagdag pa ng abogado na hindi niya inaalis ang posibilidad na makabalik si Legarda bilang senator-judge sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Inaasahan din aniyang uuwi si Leviste sa Pilipinas kapag gumaling o bumuti na ang kalagayan ng kanyang ina.

Samantala, kapwa nahaharap sa imbestigasyon ang mag-inang sina Legarda at Leviste kaugnay ng mga alegasyon hinggil sa mga solar energy project at franchise na konektado sa negosyo ni Leviste. Subalit mariing itinanggi ng kanilang kampo ang mga alegasyon at sinabing walang sapat na ebidensya para ituloy ang kaso.